Friday, February 15, 2019

Ang Pagbabasa Ngayon


      Ang aklat ay isa sa mga kailangan ng mga guro, studyante at iba pa. Dito natin malalaman ang mga impormasyon na kailangan nating malaman. Sa pagbabasa ng aklat madedebelop ang ating pagbasa ng mga salita inglis man o tagalog, maraming mga storya sa aklat na magaganda, ang sarap basahin at nakapagbibigay aral sa atin lalo na sa mga kabataan. Habang bata pa sanayin na natin ang ating sarili na magbasa ng libro, kung sa mga bata mag paturo sa mga magulang upang matuto at masanay dahil napaka importante nito sa ating buhay lalo na sa pag aaral.

       Sa henerasyon ngayon, mabibilang lang yung mga taong bumabasa parin ng mga libro. Bakit nga ba? Dahil ba paulit-ulit nalang ang taglay ng mga kwento? O dahil ba sa pag-usbong ng teknolohiya?  Hindi mawari ngunit isa lang ang alam ko, iba na ang mga tao ngayon. Kung noon, hanggang imahinasyon lamang ang mga pangyayari, ngayon, gagawin ang lahat para mangyari ang gustong mangyari. Sa pagkakataong ito, gusto kong isalaysay ang karanasan ko sa pagbasa ng iba't-ibang libro, na talagang tumatatak sa aking puso at isipan. May mga website pa naman kung saan pwedeng sumulat at magbasa ng mga kwento. Iba-iba ang genre kung kaya malilibang ka talaga. Dito sa Pilipinas, ang pinakasikat ata ay 'Wattpad' at oo, masasabi kong maganda talaga iyan. Diyan ako una nagsimulang bumasa ng mga nobela. Dahil sa website na iyan, nagustuhan ko nang magbasa ng magbasa.


       Ang wattpad ngayon ang kinahuhumalingan ng mga kabataan. Kasabay ng paglago ng teknolohiya, ito ay patuloy na umaakit sa milyong-milyong bilang ng mambabasa at manunulat, lalong-lalo na ang mga kabataan. Sa katunayan, dahil sa wattpad nakilala ang ibang kabataang manunulat. Nagkaroon din ng pag-asa ang ilan upang mailathala ang kanilang mga akda. Ang iba pa nga ay nangangarap na maisapelikula pa ang kanilang ng mga istorya.

       Tunay ngang malayo na ang narating ng application na ito. Marami na rin ang natulungang mag-aaral sa kanilang mga aralin at proyekto. Ito na nga ang bagong aklat ng mga kabataan. Napakadali kasi nitong ma-access. Kahit walang internet ang cellphone at maaaring mabasa ang mga akda. Kusa na ring nag-a-update kapag may internet na. Kaya naman, ang mga mahihilig magbasa ay hindi na kailangan pang magbitbit ng mga libro. Name it and you can read it.

       Ang wattpad.com ay isang napakahusay na inobasyon, bilang isang sa social media. Hindi lang nagkakaroon ng kaibigan ang mga netizens, kundi nagkakaroon din ng magandang kasanayan ang mga mag-aaral. Natututo silang magsulat. Nahahasa ang kanilang kakayahang umunawa. Ang wattpad, bilang social media for writers and readers, ay may malaking ambag sa literatura ng bansa. Dito kasi malilinang ang abilidad ng isang bata. Magsisimula kasi siya sa pagbabasa, hanggang dumating ang kanyang panahon kung kailan may nabuo nang ideya sa kanyang isip. Unti-unti nang gagana ang kanyang imahinasyon sapagkat marami siyang napulot na paraan, istilo at kaalaman sa kanyang mga binasa. Hindi nga matatawaran ang magandang epekto ng wattpad sa mga mag-aaral. Malaki ang naitutulong nito sa pag-unlad ng kabataan. Dahil dito, magiging proud sa atin ang mga dakilang manunulat noong unang panahon gaya nina Jose Rizal at Francisco Balagtas.

       Ngunit, pakatandaan na ang wattpad ay maaari ring maging malaking hadlang sa pag-aaral ng mga kabataan. Nakakaadik ito. Nakakawala sa pokus. Marami ding mga akda sa wattpad ang nag-o-offer ng mga malalaswang babasahin. Kaya naman ang mga mambabasa ay hinihimok na umiwas sa mga ganitong akda. Pumili ng genre o category na angkop sa iyong edad. Mas mainam pa ring basahin ang mga obra na may halaga at kabuluhan.

       Ang wattpad, bilang bagong aklatan, ay may magaganda at masasamang epekto sa mga mag-aaral. Ngunit nasa kamay pa rin ng mambabasa ang magiging epekto nito sa kanya. Kung iisiping mabuti, kahit nga ang tunay na silid-aklatan ay kinapapalooban din naman ng lahat ng uri ng babasahin, masama man o mabuti; pormal o di pormal; malaswa o hindi; nakakatawa o nakakaiyak; totoo o kathang-isip. Ang tamang pagpili ng babasahin pa rin ang sagot.


       Sa paglipas ng panahon, marami na ang nagmature sa pag-iisip kung kaya nagmove-on sa website na iyan at pumupunta na sa mga 'New York Times Bestsellers'. Kung talagang isa kang tunay na mambabasa, lahat susubukan at tatapusin. Minsan kasi titigil dahil hindi gusto ang mga nangyayari sa kwento. Mahirap naman kasing sumulat nang kwento kung saan marami ang magkakagusto. Ngayon, marami na ang bumabasa ng mga ingles na kwento kagaya nang "Maze Runner" at "The Fault in Our Stars". Marami na talagang libro ang naithala ngunit ang mga aklat sa paaralan ay hindi masyadong nagagamit. Bakit pa binibili kung hindi rin naman gagamitin ng mga estudyante? Gusto ko na hindi lang puro panlibang ang babasahin, sana naman ay bigyan pansin rin ang mga librong may aral at totoong impormasyong nakakatulong sa pagtanda at paghanap ng trabaho.


       Sa pagbabasa, marami kang matutunan, na sa iyo kung paano mo magagamit ang iyong mga natutunan. Ayon sa website ng Gemm Learning, maraming mabubuting epekto ang pagbabasa. Sinasabi rito na ang pagbabasa ay isang importanteng life skill. Mahihirapan umano sa pag-aaral ang mga batang nagkakaproblema sa pagbabasa (lalo na siguro kung hindi ito maaagapan agad). Higit pa silang mahihirapan sa paghahanap ng trabaho, pagiging independent at pagiging mabuting mamamayan, magulang o manggagawa kung sila man ay makapagtapos.

       Ang pagbabasa rin daw ay isang mabuting pagi-ehersisyo sa ating utak. Sinasabing mas demanding ito kumpara sa panonood ng telebisyon o pakikinig sa radyo. Ani Maryanne Wolf, director ng Center for Reading and Language Research sa Tufts University, sa pagbabasa raw ay mas mapipilitan tayong gumawa ng naratibo (narrative) at mag-imagine. Sa pagbabasa raw kasi, mas may oras tayong mag-isip. Kumbaga maaari tayong huminto para sa pag-intindi (comprehension) at pagkuha sa tunay na kahulugan at implikasyon(insight) ng ating binasa. Ang pagbabasa ay nakatutulong din sa concentration at attention skills.
Dagdag pa ng website, ang pagbabasa rin ay nakatutulong sa pagtaas ng ating bokabularyo. Totoo ito sapagkat sa pagbabasa ng iba’t-ibang babasahin ay makakaharap natin ang mga salitang pamilyar at di pamilyar. Sa pagkaintindi natin sa ating mga binasa ay mauunawaan natin ang mga salitang bago pa lamang sa atin.

       Nakatutulong din ang pagbabasa sa pagtaas ng tiwala sa sarili ng isang tao. Sinasabi na isa umanong chain reaction ang nangyayari: pag tayo ay laging nagbabasa, marami tayong malalaman; pag marami tayong nalalaman, marami ang mga taong hihingi sa atin ng mga kasagutan tungkol sa iba’t-ibang bagay; pag maraming tao ang humihingi sa atin ng tulong, matutulungan tayo nitong mas bumiti ang pagtingin at tiwala natin sa ating mga sarili. Isa pa sa mga sinasabing magandang epekto ng pagbabasa ay ang paghasa sa ating creativity. Dahil nai-expose tayo sa mga bagong ideya at mas maraming impormasyon sa pamamagitan ng pagbabasa, maaaring magkaroon ng pagbabago (ikabubuti o ikagagaling) sa paraan ng ating pag-iisip.

       Sana naman imbes na bumibili ng kung ano-ano diyan, ituon niyo iyan sa mga nakakatulong sa iyong kinabukasan, ang mga aklat. Dahil sa lahat ng tao sa mundo, may mga kabataang nais talagang magbasa ngunit walang pera, kaya kayong mga maswerte sa buhay, sana mamulat kayo at hindi mag-akasya ng oras sa mga walang kwentang bagay.

1 comment:

  1. thank you for the informations. It indeed helped us in our research in Filipino. God Bless you!

    ReplyDelete